Humarap na sa pulisya ang nobyo ng 19-anyos­ na estudyanteng si Ashley Abad na nasawi dahil sa drug overdose at itinanggi na pinatira niya ng ecstasy ang kasintahan.

Ayon kay Police Regional Office 7 director Chief Supt. Debold Sinas, dumating sa Cebu City Police Office si Neil Spencer Tiu noong Pebrero 13 para magbigay ng kanyang panig kaugnay ng mga alegasyon laban sa kanya dahil sa pagkamatay ni Abad.

Itinanggi umano ni Tiu na binigyan nito ng ecstasy si Abad na nasawi dahil sa ecstasy overdose noong Enero 20.

Maliban dito ay wala nang ibinigay na iba pang impormasyon si Sinas tungkol sa mga ipinahayag ni Tiu sa mga imbes­tigador ng pulisya.

Samantala, sa kabila ng pagtanggi ni Tiu na may kinalaman siya sa pagkaka-overdose sa droga ng kasintahan ay sinabi ni Sinas na malapit na nilang malutas ang kaso ng dalaga.

Sinabi ng opisyal na may lima pang persons of interest sa kaso ni Abad pero tumanggi itong pa­ngalanan habang patuloy pa ang pag-iimbestiga ng pulisya.