BF na doc ‘person of interest’ sa pinatay na lady boss

Ikinokonsidera ngayon bilang ‘person of interest’ ng pulisya ang nobyong doktor ng dalagang insurance manager na pinaslang sa loob ng kanyang sasakyan nitong Huwebes ng gabi sa Las Piñas City.

Sa panayam kay PSSg. Ernesto Bautista, ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Las Piñas City Police at may hawak ng kaso, iimbitahan nila si Dr. Leo Acedillo, nasa hutsong gulang, neuro surgeon ng Makati Medical Center, kasintahan ng pinaslang na biktima na si Korina Ibias, 33, upang magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.

Ayon kay Bautista, nabatid nila mula sa pamilya ng biktima na limang buwan ng buntis si Korina at alam din nila na matagal ng may relasyon ang dalaga at ng kanyang nobyong doktor.

Ayon pa sa imbestigador, magkasabay o batch mate pa sa kanilang high school day si Ibias at si Dr. Acedillo at dito nagsimula ang kanilang pag-iibigan.
Idinugtong pa ni PSSg. Bautista na nakahanda naman aniyang magbigay ng kanyang pahayag si Dr. Acedillo at handang tumugon sa ipapadalang imbitasyon sa kanya ng pulisya para sa ikalilinaw ng kaso.

Inalis na rin ng pulisya ang anggulong pagnanakaw ang dahilan ng pagpatay sa lady boss dahil bukod sa dalawang mobile phone na pag-aari ng dalaga na iniulat na nawawala, lahat ng kanyang mga personal na gamit ay hindi naman tinangay ng salarin.

Malaki ang paniniwala ng pamil­ya ni Ibias na makakatulong sa imbestigasyon kung makikita ang dalawang mobile phone ng dalaga.

“Sa ngayon po ay nagka-conduct po kami ng masusing imbes­tigasyon, lahat po ng anggulo dito ay aming tinitignan. Willing naman pong makipagtulungan sa kaso ang nobyo ng biktima. Bukas po pupunta ito sa aming tanggapan para makuhanan siya ng pahayag” ani ni Bautista.

Huling nakitang buhay ang dalaga, kasama ang nobyo na kumakain sa Tongyang Restaurant sa Daang Hari, Brgy. Almanza 2 at matapos maghapunan ay inihatid na ng lalaki ang kasintahan sa nakaparada niyang kotse na Honda City (AKA-5761).

Nang umalis na ang lalaki, biglang sumulpot ang nag-iisang armadong suspek at pinaputukan ng isang beses ang dalaga sa ulo, gamit ang kalibre .45 pistola na may silencer. Nabatid na naganap ang insidente pagkatapos ng ilang oras lamang na pag-i-inspeksyon ng Phili­ppine National Police. ­(Armida Rico)