Umapela sa publiko ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na suportahan ang ipinatupad nilang pagbabawal ng pangingisda sa Visayan Sea.
Ipinatutupad ng BFAR ang fishing ban sa Visayan Sea simula Nobyembre 15 kada taon para mabigyan ng proteksyon ang tatlong klase ng isda dito na paubos na.
Nakasaad sa Fisheries Administrative Order 167-3 (2013) ang pagbabawal na manghuli at magbenta ng alumahan, tamban at sardinas.
Ginawa ni BFAR Regional Director 6 (Western Visayas) Remia Aparri ang panawagan dahil may ilang mangingisda ang patuloy na sumusuway sa fishing ban.
Aniya, kahit may fishing ban ay hindi naman nagkukulang ng suplay ng isda ang kanilang rehiyon dahil sagana rin ang Western Visayas sa mga aquaculture product mula sa mga fishpond. (PNA)