Galit ang nagtulak sa isang lalaki upang tapusin nito ang kanilang pagkakaibigan ng isang 46-anyos na foreman sa pamamagitan ng isang bala sa San Andres, Malate, Maynila kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PO3 Jorlan Taluban ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section ang biktima na si Edwin Ocampo, foreman  sa JBLS contractor at residente ng 1284-C Tuazon St., San Andres, Manila na nagtamo ng tama ng bala sa leeg.

Habang tumakas naman ang suspek na sina Roberto Montel, 48, pintor at anak nitong si Joel Montel, nasa edad 19-21 at kapwa residente rin sa tinutuluyang bahay ng biktima.

Naganap umano ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa may kahabaan ng G. Tuazon St.

Nabatid na kinompronta muna ng suspek ang biktima, kasama ang kanyang anak.

Inakala­ umano ng suspek na dahil ‘foreman’ nila ang biktima ay ito ang may kagagawan kaya siya (suspek) inilipat ng ibang proyekto.

Sa pag-aakalang ang biktima ang utak ng nangyaring lipatan ay nagalit ang suspek. At sa gitna ng komprontasyon ay kaagad na binaril nito ang biktima at nasapol sa leeg.

Isinugod man ang biktima sa Sta. Ana Hospital pero hindi na ito umabot nang buhay.

Nabatid pa na ang dalawa ay matalik na magkaibigan.

Tumanggi naman ang ina ng biktima na si Proserfina na maipasailalim sa awtopsiya ang kanyang anak ng Archangel Funeral na opisyal na punerarya ng MPD-HS.

Patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang mag-amang suspek.