Nasa malubhang kalagayan ang isang lalaki matapos sak­sakin ng apat na beses at pinutulan pa ito ng ari ng kanyang matalik na kaibigang sobrang nagselos nang mahuling kasama ng kanyang misis ang una sa loob ng isang kubo kamakalawa ng hapon sa bayan ng Baao, Camarines Sur.

Kasalukuyang inoob­serbahan sa Bicol Medical Center ang biktimang nakilalang si Gaspar Ermo, 41, residente ng Brgy. Sagrada habang mabilis namang tumakas ang suspek na si Victor Boaquenia, 43, nakatira naman sa Brgy. Sta. Justina ng parehong bayan.

Sa inisyal na ulat ng Baao Municipal Police Station (MPS) na isinumite sa Police Regional Offcie (PRO) 5 sa Camp Simeon Ola, naganap ang insidente dakong alas-singko ng hapon sa Sitio Nilayuan Brgy. San Francisco ng bayang ito.

Napag-alaman na may ilang oras nang hinahanap ng suspek ang kanyang misis at may nakapagsabi na nakita ito sa isang kubo kaya agad niya itong pinuntahan. Subalit laking gulat nito ng pagbungad niya sa kubo ay makitang magkatabing nakaupo ang kanyang misis at biktima.

Dahil sa pangyayari ay agad na hinugot ng suspek ang kanyang patalim at apat na beses na inundayan ng saksak sa katawan ang biktima.

Hindi pa nakuntento, inilabas pa nito ang ari ng nakahandusay na lalaki at saka pinutol bago mabilis na tumakas.

Lumalabas sa imbestigasyon na mag-best friend ang suspek at biktima at matinding selos umano ang nagbunsod ng una kaya nagawa ang ganun sa kaibigan.

Isang manhunt ope­ration naman ang ikinasa ng pulisya para sa agarang pagdakip sa suspek upang mapanagutan ang gina­wang krimen.