BFF sinamahan hanggang kulungan

Hanggang kulungan ay magkasama ang matalik na magkaibigan matapos na mahuli ang isa sa iligal na pagpapaputok ng baril habang dawit na rin ang isa pa sa pagtatanggol sa kaibigan kamakalawa nang gabi sa Brgy. Tumana Marikina City.

Ayon kay S/Supt. Roger Quesada, hepe ng Marikina Police, nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ng Police Community Precinct 4 mula sa residente ng Brgy. Tumana kaugnay sa pagpapaputok ng baril ng kapitbahay bandang alas-8:30 Biyernes nang gabi.

Rumesponde ang mga pulis at inaresto si Alfonso Robinacio, 45, pintor, ng Block 44, Mais St., Brgy. Tumana, matapos maaktuhang hawak ang isang cal. 45 Armscor na loaded ng 3 magazine. Dalawang basyo rin ng bala ang nakita sa paligid kung saan ito nagpaputok.

Habang inaaresto si Robinacio ay dumating naman ang kaibigan nitong si Gilbert Mamalias, 49, construction worker at pinigil ang pagdampot sa kaibigan at pakikialam sa ope­rasyon ng pulisya.

Ayon sa report, nagmatigas pa si Mamalias na naging dahilan para bitbitin na rin ito ng pulis.

Kapwa nakakulong ang dalawa sa Marikina detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearm and ammunition, illegal discharge of firearm in relation to Omnibus Election Code at kasong Obs­truction of Justice naman ang isinampa laban kay Mamalias.