Inihayag ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Pasay City na may mga nakitang ebidensya ang kanilang mga arson investigator na nagsasabing arson ang naganap na sunog sa Star City.

Sinabi ito ni Pasay City Fire Marshal Supt. Paulo Pili kasunod ng pahayag ng pamunuan ng Star City na hindi sila naniniwala na arson ang nangyari o sinadya ang sunog sa amusement park.

“Version po ng management ng Star City na hindi arson ang nangyari kasi ang mga arson investigator ay mayroon silang nakikitang ebidensiya o bagay sa pinangyarihan ng sunog kaya nakakapagsabi sila na ­arson ang nangyari,” ayon kay Pili.

May mga nakita aniyang gasolina sa lugar kaya’t lumalabas na ­arson ang nangyari.

Ibinatay aniya ng mga arson ­investigator ang nadiskubre nilang dami ng gasolina na nakita sa loob ng nasunog na amusement park, partikular sa boat bump na kahit isang ordinaryong tao ay magtataka kung bakit nag-iimbak ng ganun karaming gasolina.

“Kasi sa volume ng gas na nakita namin doon, kahit ordinaryong tao ay magtataka sila at agad na iisipin na sinadya ang sunog,” dagdag ni Pili.
Gayunman, nilinaw din ni Pili na hindi pa pinal ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Sinabi rin nito na ipinasa na kahapon ng mga arson investigator ang lahat ng kanilang mga nakalap na ebidensya sa punong tanggapan ng BFP sa Quezon City.

Ayon kay Pili, may panuntunang umiiral sa BFP na kapag ang natupok na ari-arian ay aabot sa mahigit P60 milyon, ang punong tanggapan na ang hahawak ng imbestigasyon at hindi ang mga arson investigator ng isang lungsod kung saan naganap ang sunog.

Sa kaso ng Star City, tinatayang­ aabot ng halos P1 bilyon ang hala­ga ng mga ari-ariang natupok. ­(Armida Rico)