BGC firm walang puso sa mga worker

Posibleng maharap sa kasong kriminal ang isang malaking kompanya sa Bonifacio Global City sa Taguig dahil sa ulat na pinapapasok pa rin sa trabaho ang kanilang mga empleyado kahit positibo umano ang mga ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay ito sa sumbong ng isang concerned citizen sa Malacanang, kung saan ayaw umanong ilabas ng Human Resources o HR ng kompanya ang mga nagpositibo sa COVID-19 na mga empleyado.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi maaaring ilihim ang mga kaso ng COVID-19 sa Department of Health (DOH) dahil malinaw na paglabag ito sa probisyong nakapaloob sa Bayanihan to Heal as One Act at sa mga panuntunan ng enhanced community quarantine.

“Puwede pong magkaroon ng criminal liability ang kompanyang iyan. Ang hindi pag-disclose ay paglabag sa Bayanihan Act, paglabag po iyan sa mga panuntunan ng ECQ,” ani Roque.

Dapat din aniyang isaalang-alang ang posibilidad na kumalat ang COVID-19 kaya importanteng i-report ang mga ito.

“Naku naman `no, iyong ethical issue na dahil sa inyo ay baka lalong kumalat iyong sakit. Huwag naman po, paki-report po dahil importante na ang gagawin lang naman natin: Locate, isolate and cure,” dagdag ni Roque.
Hindi binanggit ang pangalan ng malaking kompanya na matatagpuan sa BGC.(Aileen Taliping)