Pabor ang malaking porsiyento ng mga barangay officials sa Bulacan sa inihaing House Bill 5510 ng isang Bulacan solon na naglalayong ipagpaliban sa Mayo 28, 2018 ang barangay at SK elections na nakatakdang isagawa ngayong buwan ng Oktubre dahil sa magandang itinatakbo ng anti-illegal drugs at anti-criminality program ng administrasyong Duterte.
Suportado ng 95 porsiyento ng 569 barangay captains sa tatlong lungsod at 21 bayan sa Bulacan ang inihaing House Bill ni Cong. Jonathan Sy-Alvarado (1st District, Bulacan) at patuloy nilang susuportahan ang kampanya laban sa droga at kriminalidad ni Pangulong Duterte sa sandaling mapalawig pa ng bahagya ang termino ng barangay officials hanggang susunod na taon.
Base sa pag-aaral ni Cong. Alvarado, maiiwasan din ang partisan politics sa barangay level dahil mga residente nito ang boboto sa kanilang mga opisyales at dagdag pa rito, ang pagboto ay mahalagang sangkap ng demokrasya dahil mga tao ang nagbibigay kapangyarihan sa kanilang pinuno.
Kapag naisabatas ang HB 5510, ang termino ng mga opisyales ng barangay at SK ay magiging limang taon subalit mananatili ang limitasyon na hanggang tatlong sunod na termino lamang puwede manungkulan sa kaparehong posisyon o labing-limang taon.