Tinanggalan na ng badge ng Bureau of Immigration (BI) ang mga confidential agent (CA) at job order contract (JO) ng intelligence division ng ahensya bunsod ng sumbong na ilan sa mga ito ang nanggigipit sa mga dayuhan sa bansa.

Ayon kay Colonel Charles Calima, acting intelligence chief ng BI, sa kabuuan ay anim na empleyado, tatlong CA at JO ang tinanggalan na ng immigration badge.

Sinabi ng opisyal na walang karapatan ang mga CA at JO na magsuot ng immigration badge dahil hindi naman ito mga permanenteng empleyado ng kawanihan.

Ang immigration badge ay ginagamit lamang ng mga intelligence at immigration officer ng kawanihan at nakalagay sa nasabing badge ang item number o numero ng kanilang pagiging permanenteng empleyado.

Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon si Calima kung paano nagkaroon ng immigration badge ang mga nasa­bing temporary employee ng ahensya.