Nag-ugat sa petiks na patakaran ng Bureau of Immigration (BI) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagdagsa ng iligal na ­foreign workers sa bansa.

Ito ang idiniin ni Senador Joel Villanueva, chair ng Senate committee on labor and employment and human resources, sa ikalawang pagdinig sa naglipanang illegal foreign nationals sa bansa.

“Ang lahat pong ito ay nag-ugat, unfortunately sa mga petiks na pamamaraan at petiks na patakaran,” ani Villanueva.
Ayon kay Villanueva, malinaw na walang koordinasyon ang dalawang ahensiya sa pag-monitor ng entry at exit ng mga foreign national sa bansa.

“Sa Bureau of Immigration, ang bilis ng pagbibigay ng special working permits. Magbabayad ka lang ng P5,000 right there and then, isang araw lang ay makukuha na agad ito na walang kaakibat na alien employment permit,” sabi ni Joel.

“May problema rin po tayo sa DOLE. Petiks din po ang ginagawa nilang labor market test. Kung hindi nakita ng mga Pilipino ang job posting niyo, wala na agad, ibibigay na agad ang trabaho sa foreign nationals,” dagdag nito.
Aniya, parehong may pananagutan ang BI at DOLE sa dagsang presensya ng illegal foreign workers dahil parehong petiks ang patakaran ng mga ito sa pag-isyu ng working permit at job postings.

Ang problema hindi lang kasi petiks. Sana nagtutulungan po ang mga ahensiya ng gobyerno. Lalo na ang BI at DOLE, dahil kita po ‘yung lack of coordination,” sabi pa nito.