BI employees laglag ang moral sa extortion

Dahil sa mistulang bagyong tumama sa pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) ang usapin ng pangingikil ng P50 mil­yon ng ilang opisyales nito sa kilalang negosyanteng si Jack Lam ay mababa ang moral ngayon ng maraming empleyado ng ahensya.

Bagama’t ayaw magpakilala ay bukas naman ang bibig ng mga empleyado sa bumabalot ng kontrobersiya sa BI kung saan nalulungkot ang mga ito at nahihiya sa mga dayuhan na nag-aayos ng papeles sa main office sa Intramuros, Manila.

Sa panayam ng Abante Tonite sa ilang tauhan ng BI, sinabi ng mga ito na sa matagal na panahon at sa mga nakalipas na administrasyon ng BI ay ngayon lamang nangyari na nasangkot ang tatlong matataas na opisyales nito sa kaso ng kurapsyon.

“Nakakalungkot talaga, huwag naman sana kaming idamay, wala ka­ming alam diyan.

Nagtatrabaho kami ng maayos­,” giit ng isang empleyado.

Magugunitang nasangkot sina Deputy Commissioners Al Arogosino at Michael Robles sa umano’y “lagayan” ng P50 milyon mula sa kampo ni Lam.

Gayundin, si ret. Gen. Charles Calima, hepe ng Intelligence Division, na sinibak ni Department of Justice (DOJ) Sec. Vitaliano Aguirre II na umano’y nakihati sa nasabing pera.

Sa kabila nito, umapela si BI Commissioner Jaime Morente, sa mga tauhan nito na huwag magpaapekto sa masamang nangyayari sa ahensya.

“I take this opportunity to send out a message to the men and women of the Bureau of Immigration across our islands. Let not the developments of recent days derail us from the task at hand. We have a job to do, a job that we must do well as one team,” sa kalatas ­nito.