Naglabas na ng kautusan ang Bureau of Immigration (BI) hinggil sa pagbabawal sa mga dayuhan na galing sa North Gyeongsang Pro­vince, Daegu at Cheongdo sa South Korea bilang pag-iingat sa coronavirus disease (COVID-19).

Tanging mga Filipino citizen, dayuhang asawa nito at kanilang anak, may mga hawak ng permanent resident visa at diplomat visa na nilabas ng Philippine government, ang papayagang makapasok sa bansa na manggagaling sa mga nabanggit na lugar.

Pansamantala ring hindi pahihintuluan ang mga Pilipino na pumunta sa South Korea maliban sa mga overseas Filipino worker, mga estudyante at may hawak ng permanent resident visa doon.

Ayon pa sa BI, dadaan sa screening ang mga dayuhang galing sa South Korea para masuri kung manggagaling ito sa mga lugar kung saan pinatutupad ang ban dahil sa COVID-19.

Hihingan sila ng resi­dent registration certificate at national ID para matukoy kung galing sila sa mga lugar na may ban.