Kasunod nang paghirang sa kanya bilang isa sa tatlong Tapa King 2018 Athlete of the Year ng Philippine Sportswriters Association noong Martes, nangako si Carlo Biado na maghahanda nang husto para maidepensa ang kanyang WPA World 9-Ball crown at tumaas ulit ang tingin ng mundo sa mga Pinoy billiards player.

Kabilang si Biado sa mga pinakamagagaling na atleta ng taong 2017 ng PSA kasama sina world tenpin bowling queen Krizziah Lyn Tabora at boxing world champion Jerwin Ancajas dahil sa kani-kanilang kabayanihan at tagumpay sa nagdaang taon.

“Napakalaking kara­ngalan po na mapabilang sa hanay nina Efren Reyes at Franciscoo Bustamante. Pipilitin po nating maidepensa yung titulo kaya po sasali po ako sa iba’t ibang tournaments para mas maging handa tayo,” bulalas ng 34-anyos na manunumbok mula sa La Union.

Unang Pinoy World 9-Ball champ si Biado matapos ang pitong taon kasunod ni Bustamante noong 2010. Wagi si Biado sa all-Pinoy finals showdown kay Roland Garcia, 13-5, noong Disyembre. (Ferdz delos Santos)