Dalawang kalalakihang magkaangkas sa motorsiklo ang patay nang walang habas na pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang iiskor sana ng shabu sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktimang sina Bernardo Reyes, alyas Inat, 40, garbage collector, ng Diamond Street, Interville Subdivision, Talipapa, Barangay 164 ng nasabing lungsod at Joshua Jerome Juanengco, 28, alyas Jayjay, ng Camia Street, Barangay Ugong, Lungsod ng Valenzuela.
Sa ulat ng Caloocan City Police-Station Investigation Division Management Branch (SIDMB), ganap umanong ala-1:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kanto ng Rivera Street at J.P. Ramon Street, Talipapa, Barangay 164 habang magkaangkas sa isang motorsiklo ang mga biktima sa madilim na bahagi ng nasabing lugar.
Bigla na lamang umanong sumulpot ang isang hindi pa nakikilalang salarin at pinaulanan ng bala ang mga biktima sa ulo at iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan gamit ang isang .45 caliber na baril.
Nang matiyak na patay na ang dalawang biktima ay tumakas ang suspek na naglakad lamang umano palayo sa pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng suspek.