Bicam sa budget magiging madugo — Ping

ping-lacson

Inihayag ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na magiging madugo ang bica­meral conference committee meeting nila sa panukalang 2019 national budget.

Gayunman, naniniwala ang senador na hindi naman magtatagal ang bicam at makabubuo ang mga senador at kongresista ng kanilang kasunduan.

“Sa tingin ko hindi masyadong magtatagal pero bicam medyo magiging madugo. Kasi maraming disagreeing provision sa versions ng HOR (House of Representatives) at Senado,” ani Lacson.

Isa na aniya sa tiyak na pagdedebatehan nang husto ng mga mambabatas ang P75 bilyong dagdag pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na tinapyas naman ng Senado.

Sinabi ni Lacson na mismong ang Department of Budget and Management (DBM) at mga kongresista ay hindi magkasundo sa naturang pondo kaya’t asahan na rin ang mas matindi pang debate hinggil dito.

Samantala, kumpiyansa si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na maaaprubahan nila ang 2019 national budget bago mag-adjourn ang Kongreso sa unang linggo ng Pebrero.