Bicol Int’l Airport bubuksan, PNR South sisimulan na

Matapos ang matagal na pag­kabalam, bubuksan na ang P4.8 bil­yong Bicol International Airport (BIA) sa Daraga, Albay at pasisi­mulan din ang paggawa sa P175 bil­yong Philippine National Railways (PNR) South Haul na magsisimula sa Calamba City sa Laguna at magtatapos sa Matnog, Sorsogon.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means, tiniyak sa kanya ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade ang kaganapan ng dalawang nabanggit na proyekto ngayong 2020.

Itinuturing ang dalawang proyekto na mahahalagang susi sa mga potensiyal na kayamanan ng Timog Luzon, lalo na sa turismo.

Itinuturing na ‘Most Scenic Gateway’ ng bansa, malaking papel ang gagampanan ng BIA sa pinaigting na kampanya ng Department of Tou­rism na ipakilala sa mga banyagang turista ang mahahalaga ngunit hindi gaanong sikat na pasyalan sa bansa.

“Lalapag sa mismong pusod ng turismo ng Bikol sa Albay ang mga turistang dadaan sa BIA kung saan kaagad nilang masisilayan ang kila­lang Bulkang Mayon at Cagsawa Ruins,” paliwanag ng mambabatas.

Matagal at matiyagang itinulak ni Salceda ang dalawang proyekto mula pa noong unang nasa Kongreso siya at gobernador ng Albay at siyam na taong chairman ng Bicol Regio­nal Development Council hanggang 2017.

Sinimulan ang BIA noong 2005 ngunit naging masugid ang pagsulong nito noong 2009. Dalawang mil­yong banyagang turista ang inaasa­hang dadaan dito taon-taon kaya ma­laki ang magiging papel sa katuparan ng 20 milyong banyagang turistang taunang target ng bansa.