Kailangan na ng suporta ng Palasyo ng Malacañang para mapabilis ang pagsasabatas sa ‘Bicycle Law’ kasunod ng nangyaring road rage sa Quiapo, Maynila kung saan isang biker ang napatay.
Nananawagan si Puwersa ng Bayaning Atleta Party-list Rep. Jericho Jonas Nograles kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang ilang panukalang may kaugnayan sa pagtatayo ng bike lanes sa mga main road at highways para maproteksyunan ang mga bikers sa bansa.
Marapat, anang solon, na gamitin ang ibinabayad na buwis ng publiko sa mga taong gumagamit ng bisikleta sa araw-araw na pagpasok sa trabaho sa pamamagitan ng paglalaan ng sariling linya ng bisikleta sa kalsada.
Sinabi pa ni Nograles na isa ring biker na inihain niya ang House Bill 174 o “Bicycle Law” na nag-aatas na maglagay sa lahat ng main roads at highways ng bike lanes o bikeways gayundin ang paglikha ng Local Bikeways Office sa bawat siyudad at munisipalidad.