Mula sa Maharlika Pilipinas Basketball League, tawid-bakod sa PBA ang big man na si Jom ­Sollano nang makapirma ng kontrata sa NorthPort Batang Pier.

Matagumpay ang kampanya ni Sollano noong nasa Letran Knights pa, isa sa naging instrumento upang masikwat sa San Beda Red Lions ang NCAA 91 trophy matapos ibuslo ang panlamang na baseline jumper sa men’s title-clinching game.

Si Sollano ay ang 19th overall pick sa 2017 PBA Draft, pero nabigong makakuha ng kontrata.

Ngayon, kumpirmado na ang kanyang pagsalang sa prestihiyosong liga, ipinaalam ni NorthPort team manager Bonnie Tan na may kontrata na ito sa kampo.

Ang 6’6” na forward ay galing sa Imus Bandera ng MPBL, kumukolekta ng 6.75 points, 6.94 rebounds, 1.63 assists at 1.25 blocks ngayong season.

Sa pagkakakuha kay Sollano, mayroon pang isang bukas na spot para sa roster ng NorthPort, at isang beterano’t rookie ang mag-aagawan dito.