Bidaman Ron bad trip kay Janella?

Marami ang nanghinayang kay Ron Macapagal sa finals ng ‘Bidaman’ ng “It’s Showtime” na napanalunan eventually ni Jin Macapagal. Sa segment kasi na may acting portion dito ay si Janella Salavador ang natoka sa kanya para maging ka-partner at dito’y may mga nagsasabing ‘di siya sinuportahan ng aktres.

Sa halip ay kinuha raw ni Janella ang limelight na dapat ay para kay Ron, bilang siya ang finalist sa naturang contest. Ano ang reaction dito ni Ron?

Sagot ng guwapitong newcomer sa “Tambayan ng Tsika Tonite”, “Well, para sa akin, narinig ko nga po ‘yun and nabasa ko po sa internet…. sa side ko naman po, ‘di rin ako well aware sa time and parang hinayaan ko rin po kasi siya na magsalita.

“Alam ko po may mga oras na gusto niyang pumasok ako, kasi nagtitinginan kami. Pero ‘di po ako aware sa time, kaya parang hinayaan ko muna. Sa huli kasi, balak ko ‘tsaka ko ibubuhos. Pagkasalita ko, pagkabitaw ko ng linya ko, biglang tumunog (ang timer) kaya nagulat po ako roon, eh.”

Dagdag pa ni Ron, “Pero wala naman po akong ano kay Ms. Janella, ang sa akin lang po talaga, hindi ko napansin ‘yung oras. Sinabi naman po ‘yun sa amin pero nawala lang talaga sa isip ko na may time limit po dahil medyo kinakabahan din ako that time.”

Nabanggit ng newbie actor na dream niyang magkaroon ng teleserye sa ABS-CBN para makatrabaho sina Joshua Garcia at Janella.

“Iyon talaga ang pangarap ko po, ang magkaroon ng teleserye. Kung bibigyan ng chance, gusto ko po makatrabaho sina Joshua at Janella, iyon pong sa ‘Killer Bride’. Kasi magaling si Joshua, at si Janella isa siya sa hinahangaan ko po talaga. Sana po bago matapos ang taon, kahit masali lang po ako sa isang teleserye sana.”

Katatapos lang gawin ni Ron ang isang mainstream movie na bawal pang banggitin ang details sa ngayon, pero tampok dito ang dalawang mahusay na aktres at aktor.

Ang isa pa sa dapat abangang pelikula ni Ron ay ang “Bakit Nasa Huli Ang Simula”, na first starring role ng beauty queen-turned actress na si Ms. Faye Tangonan, with William Martinez, Lance Raymundo, Lester Paul, at iba pa. Ito ay pinamahalaan ng manager niyang si Direk Romm Burlat. (Nonie Nicasio)