Bidding ang dapat sa online gaming service provider

Jeany Lacorte

Bakit hindi magkasundo ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) Leadership at ang Licensing Department ng kanilang tanggapang kung ano talaga ang tunay na sitwasyon ng Philweb operations?

Makailang ulit nang sinabi ni Pagcor Chair Andrea Domingo na dapat idaan sa public bidding kung sino ang magiging service provider sa online gaming na siya namang itinatakda ng batas.

Pero ang problema, nagpapalabas ng press release ang Philweb para ihayag sa publiko na sila’y ready for operations na ngayong buwan ng Oktubre.

Paanong nangyari iyon gayong wala pa namang inilalabas na announcement ang Pagcor na nag-iimbita ng mga prospective bidders?

Totoong nabigyan ng Provisional Authority ng Pagcor ang Philweb pero dapat malinaw na hindi ito license to operate tulad ng sinasabi ng kompanya.

Maraming interesadong investors ang na­balitaan nating magsasampa ng kaso sa korte kapag nagsimulang magbukas ang Philweb gamit lang ang provisional authority.

Ang Philweb na dating pag-aari ni Bobby Ongpin ang pinakaunang kompanyang binira ni Pangulong Duterte sa unang buwan pa lamang niya sa Palasyo dahil sa monopolyo ng online gambling operations.

May mga balitang si Greggy Araneta na ang nakabili ng Philweb na alam nating lahat na ba­yaw ni former Senator Bongbong Marcos.

Sa tingin natin, para maiwasan ang anumang eskandalo sa isyung ito, dapat ay manindigan si Pagcor Chief Domingo na isalalim sa public bidding ang service provider sa online gaming.

Alam nating hindi biro ang investment ng Philweb subalit hindi rin ito sapat na maging dahilan para ilapag na lamang sa kanilang harapan ang permit to operate nang walang subastahan.

Sa pamamagitan ng parehas na bidding ay malalaman ng Pagcor kung magkano ang kayang ibigay na kita ng ibang kompanya sa gobyerno.

Hindi natin alam baka mas mataas pa sa Philweb ang kayang kitain ng Pagcor kung susunod sa tamang proseso ang pagkakaroon ng serbisyo para sa online gaming.

Alam nating mag-ii­ngat si Pagcor Chair Domingo sa kanyang mga desisyon bago masilip ng Pangulong Duterte ang isyung ito.

***

Bukod sa isyu ng bidding sa Pagcor, mukhang malalagay rin sa ala­nganin ang Land Transportation Office (LTO) dahil sa kanilang bidding sa bilyong halaga ng plate numbers.

Kinukuwestyon ng isang kongresista ang pagtuloy ng proyekto ga­yong may mga kuwestyon sa ipi­nairal na proseso sa nangyaring bidding.

Ano kaya ang kaha­hantungan ng mga kinukuwestyong mga bidding na ito sa ilang tanggapan ng gobyerno? Sana ay maayos upang walang pagkuwestyong abutin at maisakatuparan na ang mga proyekto.