Bidding sa pag-iimprenta ng BOL primer binuksan na

Opisyal nang binuksan ng Commission on Elections (Comelec) ang bidding para sa pagpapa-imprenta ng halos isang milyong kopya ng primer kaugnay sa Bangsamoro Organic Law (BOL).

Sa inilabas na invitation to bid ng komisyon, aabot sa 997,240 na piraso ng mga BOL primer ang kailangang maimprenta sa halagang P36 kada isa.

Ayon kay Comelec spokesperson James ­Jimenez, paglalaanan ito ng komisyon ng P35.9 milyon bilang budget.

Ilalagay ang mga primer sa mga tanggapan ng election officer ng mga lokal na pamahalaan na nagsusulong sa panukalang Bangsamoro Autonomous Region na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ayon kay Jimenez, ang mga interesadong bidder ay mayroong hanggang Disyembre 10, 2018 para magsumite ng bidding document na babayaran nila ng P25,000.

Bubuksan ang lahat ng mga bid sa nasabing araw sa ganap na alas-10:00 ng umaga sa FEMII Building sa Intramuros, Maynila.