Pumalag ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ulat na sila umano ang nasa likod ng pagpapasabog ng improvised explosive device (IED) sa South Seas Mall sa Magallanes St., Cotabato City noong Disyembre 31, 2018, bisperas ng Bagong Taon.
Sinabi ng isang Abu Misry Mama, tagapagsalita ng BIFF, na walang kinalaman ang kanilang grupo sa nangyaring pagpapasabog sa mall.
Gayundin, sinabi ng BIFF na hindi dapat na isisi sa kanila ang mga nangyayaring pambobomba sa Central Mindanao.
Sinabi pa ni Mama na masama rin ang kanyang loob dahil isa umano sa dalawang namatay sa Cotabato blast ay kanyang pamangkin.
Gayundin, sinabi nito na wala umanong pakialam ang BIFF sa isinusulong na Bangsamoro Organic Law (BOL).
Naniniwala naman si Mama na may kinalaman ang BOL sa pagpapasabog ng IED sa nalalapit na plebisito sa Enero 21, 2019.
Samantala, sinabi ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) vice chair for political affairs Ghadzali Jaafar na sinumang nasa likod ng posibleng pananabotahe sa BOL ay hindi magtatagumpay.
Kaugnay nito, nabatid na isa sa dalawang sibilyang nasawi sa pambobomba ay empleyado ng Bangsamoro Transition Commission (BTC).
Sa statement na inilabas ng BTC, ang biktimang si Jonathan Torribiano ay isa sa dalawang namatay sa pagsabog sa harapan ng isang mall sa Cotabato City kung saan 34 na iba pa ang sugatan. (Juliet de Loza-Cudia/Edwin Balasa)