Bonggang selebrasyon ang ikakasa ng Philippine Basketball Association sa pagdiriwang ng 42nd anniversary sa Mall of Asia Arena sa Linggo, April 9.

Sa unang pagkakataon ay aalingawngaw ang bagong theme jingle ng liga sa event na suportado ng HMR Phils, KServico Trade Inc., Turks Shawarma, TCL at Cloudfone.

“We owe our fans a great deal of gratitude. They are the reason why the PBA remains strong through the years,” lahad ni PBA commissioner Chito Narvasa, dinagdag na sisiguruhin ng Commissioner’s Office, Board of Governors at owners na puro top notch games ang mapapanood.

Ibinalita ni Narvasa na tuloy ang pagsasaayos sa social media platform.

“Your PBA is not just about its officials, its teams, its players. Dahil ang PBA ay ikaw, ako, tayong lahat. WE ARE PBA,” dagdag niya.

Sa bawat quarter ng double-header sa pagitan ng Mahindra-TNT at Ginebra-Star, magpapalabas ng film clips ng mga laro mula formative years ng PBA hanggang sa kasalukuyan sa big screen sa loob ng MOA. Ayon kay PBA media bureau chief Willie Marcial, mamimigay din ang liga ng televisions sets, smart phones at iba pang items sa foundation day celebration.

May free general admission tickets sa first 1,000 early birds sa venue.