SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique — Kontrolado ang hostilidad, lumalayo na agad ang powerhouse ­National Capital Region sa mga karibal sa Department of Education 60th Palarong Pambansa.

Nagtampisaw sa pool kahapon ang Big City bets, inangklahan nina Maurice Sacho Ilustre at Nicole Meah ­Pamintuan ang pitong sinisid ng NCR tankers sa ­Binirayan Swimming Pool sa tigala­wang gold sa secondary boys and girls.

Nakihati sa limelight ang anak ng ­agricultural engineer dito na si ­Sylvian Faith Abunda ng Northern Mindanao nang ­maging pangalawang record-breaker sa athletics.

Reyna si Abunda sa secondary girls ­javelin throw bago ­nagdilim sa sunud-sunod na maghapong brownout sa Binirayan Sports Complex track and field stadium. Sa parehong venue ay dumalawa rin noong Lunes ng umaga si James Lozañes ng Western Visayas sa high school boys javelin.

Sumibat ang 16-year-old Lantapan National High School-Bukidnon incoming grade 11 at pa­nganay sa tatlong magkakapatid na si ­Abunda ng 42.85 para takluban ang 42.34 ni teammate at 2015-2016 ­champion Efrelyn Democer sa Davao del Norte Palaro.

Nasa panlimang araw na ang aksiyon sa nine-day, ­18-and-under meet na suportado ng ­Philippine Sports ­Commission at host ang ­Antique ­Province.

Napitas ni Ann ­Katherine Quitoy ng ­Negros Island (40.64m) ang silver, nagkasya sa bronze ang humagulgol sa pagkapatalsik sa kanyang tronong si Democer (40.43).

“Hindi ko po inaa- ­­asahan na ­mananalo ako. Kasi nandito ang mala­kas kong teammate na si Efrelyn,” sambit ni Abunda sa ­unang ­tagumpay sa pang-apat niyang Pala­ro, naka-silver at bronze siya sa unang tatlong sabak. “Para po ito kay papa (Gerardo).”