SAN JOSE DE BUENAVISTA, Antique — Umeksena sina Maurice Sacho Ilustre at Francis Obiena ng National Capital Region, at Veruel Verdadero ng Region IV-A sa wakas ng swimming at athletics sa second-to-the-last day na kahapon ng DepEd 60th Palarong Pamansa dito sa Binirayan Sports Complex at iba pang venues.
Sinisid ni Muntinlupa resident Ilustre, 16, ang huling dalawa niyang event sa secondary boys sa kalapit na Binirayan Swimming Pool — ang 200-meter freestyle sa 1 minute, 56.44 seconds at manaig kina teammate Keane Ting (2:02.76) at Moises Bito-Onon ng Region 6 (2:05.55).
Ilang minuto lang lumusong muli si Ilustre at binitbit ang Big City sa 4×400 free (4:34.91), sinalya sa silver-bronze ang quartet ng Region IV-A (4:36.66) at Region 1 (4:38.76).
“Maganda ang preparasyon namin at siyempre para ito sa aking mga magulang, teammates at coaches,” wika ni Ilustre na tagumpay rin sa 400 free, 200 butterfly, 100 free, 4×400 medley relay at 100 fly.
Kaya siya ang most bemedalled athlete patungo sa last day ng ballgame competitions mamaya.
Ang kakwadra niyang si Meah Nicole Pamintuan ang pinakamraming ginto sa high school girls sa anim kasama ang huling dalawa sa 200 free (2:10.09) at sa 4×400 free.
Isinama ng 15-anyos na Grade 9 student ng Immaculate Conception-Cavite na si Verdadero ang secondary boys’ 4x100m relay (42.48), kasangga sina Karl Aquino, Bryan Flores at Joviane Calixto, sa kanyang naunang apat na kinuhang ginto sa 4x400m relay at sweep sa sprints (100, 200 at 400).
Lumundag naman si 6-footer Obiena ng bagong record na 4.30 meters sa secondary boys’ pole vault para burahin ang dati niyang 4.06m noong nakaraang taon sa Albay Palaro.