Nanawagan ang isang mambabatas sa mga kompanya ng langis na magpatupad ng malakihang rollback sa presyo ng kanilang mga produkto sa harap na rin ng pagbagsak ng halaga nito sa world market na umabot ng hanggang $15 kada bariles noong Lunes.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Juan Miguel `Mikey’ Arroyo, naglalaro ang presyo ng krudo sa level nito noong 1990 hanggang 2000 sa global market dahil na rin sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic subalit maliit na bawas presyo lamang ang ipinatupad ng mga kompaya ng langis sa bansa sa nakalipas na 60 araw.

Aniya, nasa 2010 level pa rin ang average local price ng gasoline kaya hindi pa maramdaman ang epekto nito sa merkado.

Sabi ni Arroyo, vice chairperson ng House committee on energy, bagama’t hindi agad mararamdaman ng riding public ang big time oil price rollback dahil maraming lugar sa kasalukuyan ang nasa ilalim ng community quarantine, makikinabang din dito ang marami dahil mababawasan ang operating cost ng mga courier at hauler na mahalaga sa ngayon sa pagdeliber ng mga pangunahing pangangailangan katulad ng gamot at pagkain.(JC Cahinhinan)