Big Time Finish

noli-cruz-all-n

Congratulations sa ating kababayang si Christopher “Mr. Big Time” Mateo sa pagkakapanalo niya sa 2019 Asian Poker Tour (APT) Main Event na nagtapos noong Martes (Abril 30) sa Resorts World Manila.

Umabot sa P24 mil­yon ang garantisadong premyo sa event at mahigit P5 milyon ang top prize kaya tala­gang big time ngayon si Mr. Big Time. Tinalo ni Mateo sa heads up play si Lu Zheng Hao ng Singapore.

Sa pangalan pa lang alam mo na kung sino ang matatalo.

Beterano na sa laban si Mateo at kilala ito sa pagiging makuwento sa laro lalo na kung mga kakilala niya ang mga kasama niya sa lamesa.

Una kong nakalaro si Mateo sa main event din ng isa sa mga serye ng PokerStars noong nakaraan taon.

Natapyasan siya ng malaki noon ng isang Singaporean player na katabi niya sa lamesa.

Tuloy pa rin siya sa paghunta sa Singapo­rean kahit na malaki ang nabawas nito sa chips niya.

Iyon nga lang, maraming salitang Pinoy na hindi natin puwedeng isulat dito ang sinabi niya sa kalaban habang nakangiti. Mukha namang hindi siya naintindihan ng Singaporean dahil ngiti lang din ang isinagot nito sa kanya.

Maganda ang laro ni Mateo sa buong serye so far. Katunayan ay may isang event pa na nakapasok din siya sa final table. Nakuha na rin ni Mateo ang trangko sa Player of the Series (POS) race sa hawak na 935.62 puntos.

Pumapangalawa naman si Lu na mayroong 679 puntos at pangatlo si Vamerdino Magsakay na may 434.99 puntos.

Alat pa rin ang laro ng mga sikat nating­ manlalaro tulad nina Mike Takayama, Lester Edoc at Marc Rivera. Pero puwede pang makabawi ang tatlo sa Championship Event na magtatapos nga­yong araw.