Big time manufacturer, supplier ng shabu itumba

Dahil sa masyadong bad trip na epekto ng shabu sa utak ng mga nagugumon dito, iginiit ng isang kongresista na tama lang na tumimbuwang ang mga big time na manufacturer at supplier nito.

Kaakibat nito ay nagbigay ng paalala si House Minority Leader Danilo Suarez sa kaibahan ng shabu kumpara sa ibang bawal na gamot.

“Gaya ng sinabi ko uulitin ko na naman itong shabu hindi ito katulad ng damo, gaya ng sinabi aanhin mo pa ang damo kung bato na ang uso. Ngayon ang point ko hindi katulad ‘yan…uulitin ko na naman ‘di ba ’pag tumira tayo ng damo, pare happy tayo eh ‘di wow ang ganda ng amat natin, tama ang tawag dyan. Pero pagkatapos nyan masaya ka tapos na ‘yung tama okay ka na then you’re back to normal,” ani Suarez.

“Ang shabu may las­ting effect that conti­nue destroys your brain kaya kung saan nanggaling ‘yang shabu na ‘yan, kung sino ‘yung big time supplier, kung sino ‘yung manufacturer dapat itumba, ‘yun ang posisyon ko,” pagpupunto ni Suarez.

Kung pabor si Suarez na tumimbuwang ang ‘malalaking isda’ sa likod ng kalakaran ng shabu, iba naman ang pananaw ni Buhay Rep. Lito Atienza patungkol dito.

“Pare-pareho ka­ming laban sa shabu. Pero ako hindi ko itutumba, igagapos ko lang. Hindi ko papatayin, pakakainin ko pa s’ya para matuto,” sabi ni Atienza.

Pero para kay Kaba­yan Rep. Harry Roque, sinasang-ayunan nito ang diskarte at direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Ako I go by the President’s directive on the Kian (delos Santos) kil­ling nag-clarify na sya na sagot nya ang pulis ‘pag pumatay, basta in line of duty,” ayon kay Roque.