Good news para sa mga motorista, nagpatupad ng big time rollback sa mga produktong petrolyo ang mga kompan­ya ng langis sa bansa na epektibo nga­yong umaga (Pebrero 4).

Kahapon ay pinangunahan ng kompanyang Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron, PTT Philippines, Seaoil, Petro Gazz, at CleanFuel ang bawas presyo na P1.60 sa kada litro ng gasolina, P2.00 kada litro ng diesel, at P2.45 sa kada litro ng kerosene na epektiobo ng alas-6:00 nang umaga.

Nauna nang nagpatupad nitong linggo ang kompanyang Phoenix Petroleum Philippines ng rollback sa kahalintulad na halaga.

Inaasahan naman na susunod na magpalabas ng abiso ng oil price rollback sa mga produktong petrolyo ang iba pang kompanya ng langis sa bansa.

Nabatid na ito na ang ikaapat na rollback na ipinatupad ng mga kompanya ng langis sa bansa.

Ang ipinatupad na bawas presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang pamilihan.

Magugunitang nitong linggo ay nagpatupad ng bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng la­ngis sa bansa na P0.30 sa kada litro ng gasolina, P0.40 kada litro ng diesel, at P0.35 sa kada litro ng kerosene. (Armida Rico)