Dear Dream Catcher,
Itatanong ko lang po kung ano ang ibig sabihin ng napanaginipan ko na may nakita daw po akong bigas na nakaplastik. Sa tantya ko pang-isang kilo.
May mga barya po sa bigas medyo natatapon na nga po ‘yung iba kaya ang ginawa ko po kinuha ko.
Riza
Dear Riza,
Ang bigas at barya sa panaginip ay parehong itinuturing na good omen, positibong panaginip. Pareho itong sumisimbolo ng suwerte, tagumpay, kasaganaan at kalusugan.
Sa isang kasalan ang bigas ay inihahagis sa bagong kasal para pampa-suwerte habang ang barya naman ay inihahagis sa isang house blessing para pampaakyat din ng suwerte.
Ang bigas ay ikinukonek din sa bagong simula at sagisag din ng buhay. Kung ikaw ay naghahangad mabuntis, ang iyong panaginip ay maituturing na isang magandang omen at pinaniniwalaang nagbabadya na posible ka nang mabuntis dahil ang bigas ay sumisimbolo rin sa fertility.
Dahil sa mga simbolismong ito, ang iyong panaginip ay maituturing na napakapositibo ng iyong pananaw sa ngayon. Kung meron kang pinapasok na negosyo ay ipinapakita ng iyong panaginip na kumbinsido kang maaliwalas ang iyong landas at may abot-kamay mo ang tagumpay. Ipinakikita ito sa bahagi ng iyong panaginip na nag-uumapaw ang bigas at ang barya.
Kung may ine-expect kang pagbabago sa iyong buhay, ngayon pa lamang ay nakikita mo na ang positibong epek nito kaya naman nanaginip ka ng bigas at barya na parehong simbolo ng kasaganaan.
Pero kung ang napanaginip mo ay lumang barya, sumisimbolo naman ito sa isang lumang pangarap na kailangan mo nang gawan ng adjustment para makuha mo ang tagumpay.
Sa kabuuan, maganda at very positive ang managinip ng bigas at barya.
Dream Catcher
***
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.