Bigas ng Pinoy ang ibenta bago imported rice — Tolentino

Hiniling ni admi­nistration senatorial bet Francis Tolentino sa Department of Agriculture (DA) na ilatag muna ang mga panuntunan nito para sa seguridad ng mga magsasaka bago ipatupad ang Rice Tariffication Law.

Sa panayam kamakailan sa Cabanatuan City, sinabi ni Tolentino na dapat isama ng DA sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ang probisyon na magiging prayoridad pa rin ng National Food Authority (NFA) ang pagbebenta ng mga lokal na bigas bago bumili sa ibang bansa.

Mas makabubuti ani­ya kung uubusin muna ang local supply bago mag-angkat ng bigas para kumita ang mga magsasaka.
“Ang proposal ko diyan under sa implementing rules, bago magpasok ng imported na bigas dito sa rice granary (eh) ubusin muna ang supply dito,” sabi ni Tolentino.

Sinabi pa ng dating alkalde ng Tagaytay City na dapat isama sa IRR ang mabilis na pagkakaloob ng Rice Enhancement Trust Fund para sa lahat ng local rice farmer.

“Siguraduhin din (dapat) na ‘yung Rice Enhancement Trust Fund ay makarating sa magsasaka at paikliin ‘yung pro­seso. Napakahirap (kasi) sa magsasaka na pumirma ng dokumento sa Landbank of the Philippines (at) Development Bank of the Philippines nang walang magga-guide sa kanila,” ayon pa kay Tolentino.

Dagdag pa ng dating political adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na kapag may rice shortage sa panahon ng kalamidad dapat unahin muna ubusin ang local rice supply bago bumili sa ibang bansa.