Anong natanggap mo nitong Valentine’s day? Bulaklak at tsokolate ba o bigas? Kung papipiliin ka ano nga ba ang pipiliin mo? Sa hirap ng buhay ngayon ang mga babaeng praktikal ay hindi na maghahangad na makatanggap pa ng isang magarbong bulaklak na may kasama pang chocolates.
Masuwerte na ang mga makakatanggap ng ganito. Pero marami siguro sa kababaihan ang pipiliin na lang ay bigas kaysa bulaklak. Hindi lang siya masisiyahan kundi mabubusog pa ang kanyang buong pamilya. Mahal na kasi ang mga bulaklak ngayon. Ilang kilong bigas na ang mabibili sa katumbas na halaga nito kaya kung isa ka sa mga babaeng praktikal, tiyak na hindi mo pipiliin ang bulaklak dahil manghihinayang ka sa perang pambili nito kahit pa sabihan kang KJ.
Katuwiran mo everyday is Valentine’s day kung tunay kayong nagmamahalan. Kaya hindi na kailangan pa ang bulaklak.
Sa kabila nito hindi natin maitatanggi na masarap talagang makatanggap ng bulaklak.
Lalo na kung ito ay manggagaling sa taong pinakamamahal mo. Kapag daw binibigyan ka ng bulaklak ng iyong the one ay mararamdaman mo ang kanyang sincerity at ang halaga mo sa kanya. Tayo kasing mga babae ay kinikilig kapag nakakatanggap ng bulaklak sa taong dahilan ng ating mga ngiti at nagbibigay inspirasyon sa atin. Kaya kung ikaw ay babaeng hopeless romantic, tiyak na mahihirapan kang tanggihan ito. Para sa’yo once a year lang naman ang araw ng mga puso kaya hindi naman siguro masama kung ikaw ay maghahangad nito mula sa iyong mahal.
Kaya bago kayo bumili ng bulaklak alamin niyo muna kung ang inyong pagbibigyan ay isang praktikal na babae o hopeless romantic para naman hindi masayang ang effort ninyo. Mas masarap kasi magbigay kung maa-appreciate ito ng taong pagbibigyan mo.