Ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hirit ng makakaliwang grupo na pagpapalaya sa 130 pang political prisoners kapalit ng paglagda sa isinusulong na ceasefire.
Dahil sa pagtabla sa hirit ng makakaliwang grupo ay inaasahan na ni Pangulong Duterte ang pagsemplang ng usapang pangkapayapaan sa panig ng National Democratic Front (NDF) na political arm ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi na niya maibibigay ang demand ng makakaliwang grupo dahil bago ang usapang pangkapayapaan noong Agosto sa Oslo, ay may 22 rebeldeng lider ang pinayagang makalaya matapos maglagak ng piyansa kabilang ang mag-asawang Benito at Wilma Tiamzon na matataas na opisyal ng makakaliwang grupo.
Sinundan pa ito ng pagpapalaya nu’ng nakaraang buwan ng apat na matatanda at may sakit na matatanda.
Kasunod ng pagpapalaya sa mga nabanggit na mga rebelde ay humihiling ang mga lider ng grupo na palayain pa ang may 130 pang rebelde na hindi kinagat ng Pangulo na naging dahilan upang mistula nitong isuko ang negosasyon.
Sa katunayan, ipinaubaya na lamang ng Pangulo sa makakaliwang grupo kung nais pa nilang ipagpatuloy ang pag-uusap dahil hindi nito kayang pagbigyan ang kahilingan ng grupong palayain ang natitira pang 130 political prisoners.
Nauunawaan natin ang punto ng Pangulo, mahirap talagang pagbigyan ang hirit na pagpapalaya sa 130 pang political prisoners dahil lalabas na kayang-kaya ng mga rebelde ang ating gobyerno at hindi ito magandang ehemplo sa pananaw ng mga kritiko ng gobyerno.
Kaya ang sa amin, huwag ipilit ang isang kasunduang malinaw na sa simula pa lamang ay may panlalamang.
Kung talagang seryoso sa negosasyon, maging makatwiran sa mga kahilingan at huwag humiling ng langit dahil pagpapakita lamang ito ng inyong kawalan ng sinseridad na tuldukan ang matagal nang problema sa insurhensiya sa bansa.
Ibingay mo na ang palad gusto yung buong braso kunin.