Salto ang Team Pilipinas sa misyon na malampasan ang inaning gold sa Singapore SEA Games dalawang taon na ang nakalilipas.

Sa edisyon ngayong taon ng biennial meet sa Kuala Lumpur, Malaysia, nakaka-24 gold medals pa lang ang Filipinos papasok sa homestretch ng palaro.

Mas mababa pa ito sa Singapore na naka-29 top podium finishes.

Tulad noong 2015, pang-anim pa rin ang Pilipinas ngayong 2017, may karagdagan pang 31 silver at 62 bronze medals.­

Hanggang alas-siyete kagabi, nasa unahan ng Pilipinas ang Indonesia sa 37-62-81 tally.

Nagkaproblema pa nang pigilan ng Philippine Olympic Committee executive board members si chef-de-mission Cynthia Carrion sa paglalatag ng hala­gang P8.3-million para sa 10-minute grand presentation sa closing ceremonies alinsunod sa 2019 hosting ng Pilipinas sa SEAG. Ngayong gabi ang clo­sing sa Bukit Jalil Stadium-Malaysia National Sports Complex.

Tatanggapin pa rin ni POC president Jose Cojuangco, Jr. ang symbolic SEA Games Federation council flag mula kay outgoing president HRM Yam Tunku Sri Imran ng Malaysia, bago iaabot kay ­Foreign Affairs Sec. Alan Peter Cayetano­ na mamumuno sa 2019 organizing committee.­

Pormalidad na lang sa Malaysia bilang runaway champion sa 133-86-81 gold-silver-bronze medal haul, kasunod ang Thailand (66-85-86), Vietnam (58-48-59) at Singapore (55-49-71).