Patay ang hinihinalang lider ng isang drug group sa Negros Occidental matapos makipagpalitan ng putok sa mga operatiba na nagsagawa ng buy-bust sa Estrella Subdivision, Brgy. 6 sa Victorias City, Linggo nang umaga.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Leoner Jalandoon, 44, high value target na kabilang sa regional police watch list.
Naaresto naman sa operasyon ang 18-anyos na kinakasama umano ni Jalandoon.
Batay sa ulat, naganap ang engkuwentro dakong alas-8:10 ng umaga, nang manlaban umano ang suspek makaraang makahalata na katransaksiyon nito ang isang police undercover.
Ayon kay Col. Romeo Baleros, director ng Negros Occidental Police Provincial Office, nagsagawa umano ng precautionary measure ang mga operatiba dahil armado at mapanganib si Jalandoon.
Nabatid na si Jalandoon umano ang nagsu-supply ng shabu sa Negros Occidental at Panay Island.
Sinubukan umano ng suspek na magbenta ng shabu na nagkakahalaga ng P27,000 sa poseur-buyer sa nasabing operasyon. Bukod dito, nakakuha pa ng 101 sachet ng iligal na droga na tinatayang aabot sa P2.7 milyon. (PNA)