Noong Martes ng nakaraang linggo, naglabas ng restraining order ang Supreme Court (SC) na pansa­mantalang nagbabawal sa gobyerno na ipatupad ang bagong regulasyon upang obligahin ang big consumers­ na pumasok sa power-supply deal sa alinmang retail electricity suppliers (RES) na accredited ng Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) mula Pebrero 26.

Agad itong ikinaalarma ni Bayan Muna chairman Neri Colmenares na nagsabi pang ang epekto ng SC TRO ay hahadlang daw sa maraming power consumers­ na pumili kung saan kukuha ng kanilang kuryente na mas mababa ang presyo. Nag-akusa pa ang dating congressman na ang delay o pagpapatigil ng open access ay papabor sa malalaking distributor.

Mukhang nagkulang yata sa pagsasaliksik ang dating­ mambabatas. Kahit na kasi may TRO, hindi naman pinatitigil ang implementasyon ng retail competition and open access (RCOA) at lalong hindi ito magbubunga ng unfair competition dahil sa may ­kapangyarihan pa rin ang customer na magdesisyon kung saan kukuha ng kuryente.

Nag-ugat ang problemang ito sa inisyung DOE at ERC Resolutions kung saan inaatasan dito ang customers na kumokonsumo ng higit sa 1MW at 750MW ng kuryente na ibasura ang current suppliers nila kahit na kuntento ­sila rito at ayaw nilang pakawalan. Sa katunayan, pinupuwersa sila na bumili ng kuryente sa retail electricity suppliers o RES na pinili, in-accredit at lisensiyado ng ERC.

Ang bottomline dito, kahit may TRO ng SC ay ­tuloy pa rin ang RCOA. May laya pa rin ang consumers­ na bumili ng kuryente sa RES na lisensiyado ng ERC, taliwas sa inirereklamo ni Colmenares. Kumbaga, ‘basa-basa rin pag may time’ Cong dahil ang ipinagbabawal ng TRO ay ang order ng ERC “to force and mandate to become contestable customers” at ang pagbabawal na bumili ng kuryente mula sa kanilang present suppliers. Sa katunayan, pinagbabawalan ng TRO ang implementasyon ng order ng ERC na puwer­sahin ang consumers na bumili ng kuryente sa mga RES na lisensiyado at pinili ng ERC na konektado sa malalaking generation companies.

Napag-alaman pa natin na noong inilabas ang TRO, maraming customers ang hindi kumagat sa switching ng supplier dahil sa kanilang paniniwala na lugi sila sa “mandatory contestability”. Sa katunayan,­ mayroong 140 electricity customers ang nagpadala ng request na isantabi muna ang kanilang RCOA switching­ applications.

Ang balita ko suportado pa ng small business ­enterprises, academe, power sector watchdog at electricity consumer groups ang TRO ng SC. Kung happy naman pala sila sa current supplier nila, why change it when it ain’t broken? Aabangan natin ang susunod na kabanata sa isyung ito.

***

Pahabol na impormasyon sa nakaraang rigodon sa Senado. Isiniwalat ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto III na matagal na palang puntirya ni Sen. Ralph Recto na maging Senate President Pro-Tempore ng 17th Congress. Naudlot lang ito nang makipag-deal si Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel III sa Liberal Party (LP) noong nakaraang taon kung kaya’t si Sen. Franklin Drilon ang naging Senate President Pro-Tempore.

Nang alisin ng majority coalition si Drilon bilang Senate President Pro-Tempore, si Recto ang agad na ipinuwesto rito dahil ‘ika nga ni Sotto, si Recto naman daw talaga ang original choice ng “Macho Bloc”. At bakit naman daw hindi nanatili sa minority si Sen. Francis ‘Chiz’ Escudero at agad na tumalon sa majority? Allergic daw kasi ito sa LP. Hindi ba’t si Escudero ang nanguna sa tambalang NoyBi noong 2010 elections imbes na suportahan ang tambalan nina Noynoy Aquino at Mar Roxas ng LP. Hindi pa tapos ang rigodon sa Senado at marami pang magaganap sa mga darating na araw.