Masyado na nga yatang kinain ng sistema ng ­pulitika ang ating pang-araw-araw na buhay ­dahil kahit sa social media ay isyung pampulitika pa rin ang kadalasang pinag-uusapan, pinagtatalunan.

Kaya marapat naman sigurong bigyan natin ng sapat na panahon ang ating kalikasan.

Sa bansang tulad ng Pilipinas, hindi binibigyan ng malaking oras ang usapin ng kalikasan, lalo na sa social network. May mangilan-ngilang maglala­gay ng link ng mga isyu ng kalikasan, pero natatabunan ng palagay ng marami ay mas malaki at mas mahalagang isyu gaya ng pulitika, krimen, sports, ekonomiya, pelikula.

Nabibigyan lamang ng mas malaking pansin ang usapin ng kalikasan kapag nasa ilalim na tayo ng kalamidad pangkalikasan, at napakalalaki ng mga kalamidad na ito.

Katulad na lamang ng bagyong Yolanda na pinakamalakas na bagyo o typhoon sa kasaysayan ng mundo. Ganoon din ang Ondoy ilang taon na ang nakalipas na sumira ng record sa pinakamakas na ulan na naranasan natin sa loob ng isang araw.

Sa isang banda ay nakakaramdam tayo ng pagka-­guilty dahil kadalasan ay napapansin ang kalikasan ng marami sa atin kapag mayroon na ­lamang “pinaka” sa mangyayaring phenomenon.

Pero ang katotohanan ay hindi napapansin, na nakasalalay ang buhay natin, at ang kinabukasan natin, sa kung ano ang kalagayan ng kalikasan.

Kaya napakahalagang binibigyang-pansin ­nating lahat ang usapin ng kalikasan.

Kaakibat ng pagbibigay-pansin natin sa ­kalikasan ay mahalagang mag-ambag tayo ng solusyon sa mga kinakaharap na problema ng ating kalikasan.

Gaano man ito kaliit — sa kung ano ang ­kalikasan ngayon at kung ano ito sa kinabukasan ay napaka­halaga.

Walang saysay ang lahat ng nangyayari sa atin kung walang mangangalaga sa kalikasan natin ­kaya mahalagang tayo mismo ang mangangalaga sa ­kalikasan natin.

Huwag din nating ugaliing iasa sa pamahalaan ang pangangalaga sa ating kalikasan dahil bilang mga responsableng mamamayan ay kailangang magkaroon tayo ng sariling palo o kusa. Marami pa tayong magagawa para isalba ang ating kalikasan kahit sa pinakamaliit na paraan.

Kayang-kaya natin ito kung gagawin lang ­nating bahagi ng sistema sa bahay, opisina o sa paaralan kung ikaw ay isang estudyante.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)