Pinaalalahanan ni dating Pangulong Fidel Ramos (FVR) si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na marami pang problemang kinakaharap ang bansa na dapat pagtuunan ng pansin maliban sa iligal na droga.

Bilang dating lider ng bansa ay isa sa naging instrumento ng pagsabak sa katatapos na pampanguluhang halalan ay pinayuhan ni Ramos si Duterte na dapat ding tugunan ng Duterte adminis­tration ang kahirapan at mababang foreign direct investments (FDIs) sa bansa.

Bagama’t kinikilala ni Ramos ang pamumuno ni Duterte pero dapat aniya ay pangkalahatang national concerns ang manaig at hindi ang tila papgtutok lamang sa iisang sektor partikular ang giyera kontra iligal na droga.

Nauna ng inihayag ni Ramos na natatalo ang Pilipinas sa unang 100 araw ni Duterte sa puwesto dahil sa ilang kontrobersiyal na desisyon at posisyon nito kabilang ang pagputol sa alyansa ng Pilipinas sa Estados Unidos na katumbas daw ito ng pagtatapon sa dekada ng military partnership, tactical proficiency, compatible wea­ponry, predictable logistics at soldier-to-soldier camaraderie.

Para sa amin, bilang pana­naw ng isang dating pinuno ng bansa ay dapat itong binibigyang bigat o ikinukunsidera ni Pangulong Duterte dahil ito rin ang pulso ng bayan.

Saludo tayo sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga at pagsugpo sa krimen ng gobyerno pero sana ay pansinin din ang iba pang problema ng ating bansa dahil kahit anong pagpupursige ang gawin ng pamahalaang Duterte ay hindi maituturing ng pagkamit natin ng inaasam na pagbabago kung sa iisang bagay lamang ito nagtumpay.

Pero mahaba pa ang anim na taon at sana ay gamitin ng Pangulo ang nalalabing mga panahon sa pagpapatupad ng mga polisiya at programang magbebenepisyo ang lahat ng sektor.