Lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Department of Interior and Local Government (DILG) na naglalayong bigyan ng responsibilidad ang mga opisyal ng barangay sa kanilang tungkulin partikular sa pagmamantina at paglilinis ng mga kalye na kanilang nasasakupan.
Ang puno’t dulo ng memorandum ay ang matinding problema sa illegal parking at illegal vendors na isa sa nagiging sanhi ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila.
Sa ilalim ng napagkasunduang memo ay papatawan ng suspension ang mga barangay official na kumukunsinti sa illegal parking at illegal vendor sa kanilang nasasakupan.
Ang hakbangin ng MMDA at DILG ay bilang tugon sa mahigpit na direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng ‘pangil’ ang ipinatutupad nilang clearing operation kontra sa anumang uri ng nakakaabala sa daloy ng trapiko.
Ito ang nagtulak sa MMDA at DILG katuwang ang Metro mayors para magkaisa at nagsanib-pwersa sa pagpapatupad ng naturang patakaran.
Hindi na dapat sana kailangan ang ganitong memorandum pero dahil sa nakikitang pagiging ineffective ng ilang mga opisyal ng barangay sa Metro Manila ay kinailangang bumuo ng ganitong kasunduan.
Ang sa amin, mabuti na ring may ganitong kasunduan para napupuwersa ang mga barangay officials na kumilos at linisin ang kanilang mga nasasakupan.
Kadalasan kasi ay nawawalan ng silbi ang ginagawang clearing operations ng MMDA dahil hindi nakikipagtulungan ang mga barangay officials.
Ilang oras pa lamang natatapos ang clearing operations ay nagbabalikan agad ang mga illegally park at mga sidewalk vendors dahil wala na ang mga puwersang nagwalis sa kanila sa lugar.
Ang mga taga-barangay na siyang dapat na magbantay ay wala rin habang may iba namang kinukunsiti talaga ang ganitong aktibidades dahil may tinatanggap silang lagay mula sa mga nagpaparada at sa mga illegal vendors.
Kaya sa pamamagitan ng kasunduang ito, tingnan lang natin kung manaig pa ang puwersa at pagiging kunsintidor ng mga taga-barangay at kanilang mga alipores.
Pero sana lang ay maging istrikto ang MMDA, DILG at Metro mayors sa monitoring upang magkaroon naman ng katuturan ang pinirmahang kasunduan at makatulong na sa matagal nang problema sa illegal parking at illegal vendors sa Metro Manila.