Bigyan ng tsansa ang ‘war on drugs’ Part 2

Nabuhay na naman ang mga kritiko ng giyera kontra ilegal­ na droga sa muling pag-arangkada ng “Oplan Double Barrel ­­Reloaded” na dating “Oplan Tokhang” ng Philippine National­ Police (PNP).

Pangunahing kumukondena sa giyera sa ilegal na droga ng gobyerno ay ang simbahan, katuwang ang human rights group at oposisyon.

Tutol ang ilang grupo sa kampanya kontra ilegal na droga ng gobyerno sa pamamagitan ng “Oplan Tokhang” dahil ­naging ­madugo umano ito at nagresulta sa pagkamatay ng maraming drug suspects.

Inakusahan din ng mga kritiko ang mga nasa likod ng kampanya­ ng pag-abuso na humantong sa suspensyon ng operasyon  ng “Oplan Tokhang”.

Dahil sa lantarang pag-abusong nakita ng mga kritiko sa kampanya kontra ilegal na droga ay mahirap talagang muling magtiwala. Mahirap muling paniwalaang magiging matino at hindi na magiging madugo ang kampanya.

Pero kailangang labanan­ ang problema sa ilegal na droga kaya ang sa amin, dapat natin itong ibigay ­dahil para rin naman sa kapakana­n nating lahat at ng susunod na henerasyon ang paglilinis ng ating bansa sa ilegal na droga.

Kaya nga lamang ang aming hangad katulad ng iba pang urong-sulong ang suporta sa “Oplan Double Barrel Reloaded” ay ipakita sana ng PNP sa pagkakataong ito na malinis ang mga gagawing operasyon at higit sa lahat ay hindi magiging madugo at gagamitin ng ilang kagawad ng PNP para kumita.

Sana ang maging intensyon ng mga tagapagpatupad ng kampanyang ito ay kagaya ng hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte na paglilinis ng ilegal na droga bilang paghahanda sa mga susunod na henerasyon.