Wala nang buhay nang maabutan ng mga Parañaque Rescue Team ang isang bike rider makaraang ma-hit and run ng rumaragasang trailer truck sa Barangay San Dionisio, Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Basag ang bungo at nagkabali-bali ang katawan ng biktimang si Gerald Acain, 26, nakatira sa Bacoor, Cavite nang mahagip ng hindi pa nakikilalang driver ng trailer truck.

Sa imbestigasyon ng Parañaque City Traffic Bureau, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Dr. A. Santos Avenue, Barangay San Dionisio.

Lumalabas sa imbestigasyon, sakay ng kanyang bisikleta ang biktima at habang binabagtas ang nasabing lugar patungong direksyon ng Baclaran nang mahagip ng truck.

Tumilapon ng ilang metro ang biktima at tumama ang ulo nito sa kalsada at nagkabali-bali ang katawan dahil sa lakas ng impact.

Ayon sa mga nakasaksi, isang trailer truck ang nakasagasa sa biktima.

Ayon naman sa mga kamag-anak ng biktima, papasok ng trabaho si Acain nang maaksidente.

Agad idineklarang patay ng mga nagrespondeng rescue team si Acain at dinala sa People’s Funeral Homes upang isailalim sa awtopsiya.

Inaalam pa ng pulisya kung mayroon close circuit television (CCTV) camera at nahagip ang insidente para sa pagkakakilanlan ng driver ng truck.