Biker na sinita sa face mask buking sa shabu

Arestado ang isang biker matapos mahulihan ng shabu makaraang sitahin dahil walang suot na face mask sa pinaiiral na enhanced community quarantine checkpoint, sa Marikina City.

Nakilala ang suspek na si Ronnel Yangga, 29, kasama sa listahan ng unified watch list ng Marikina Police.

Inaresto ang suspek alas- 9:00 Sabado ng gabi sa kahabaan ng Cardinal St. corner J. Molina St., Brgy. Concepcion Uno habang nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Marikina Police at barangay nang sitahin ang suspek sakay ng mountain bike dahil walang suot na face mask at mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas sa kalsada.

Ayon sa report ng mga barangay tanod, napansin nilang hinulog ng suspek ang kanyang coin purse at nang damputin ito ay nakita ang dalawang plastic sachet na naglalaman ng shabu na nasa isang gramo ang timbang at nagkakahalaga ng P6,800.00.

Agad na dinala sa Marikina Police ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Vick Aquino)