Patay ang ama ng tahanan at kritikal ang kanyang anak na babae matapos mabundol ang kanilang sinasakyan na mountain bike ng rumaragasang delivery van sa Pasig City kahapon ng umaga.

Sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan ay agad namatay si Ernesto Abuel, 61, naninirahan sa 2424 Victorino St., Brgy. Bambang, Pasig City, habang patuloy na nilalapatan ng lunas sa Medical City Hospital ang anak nitong si Deborah Abuel, 32, dalaga, merchandiser ng SM Hypermart sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan.

Agad sumuko ang driver nang van na si Wilfredo Rafols, nasa hustong gulang matapos ang insidente.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Yohan Vega ng Pasig City Traffic Bureau, dakong alas-8:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng northbound lane ng C-5 Road Brgy. Ugong nang lungsod.

Lulan ng mountain bike ang mag–ama at binabagtas ang C-5 Road northbound lane nang mabangga ng rumasagasang delivery na Shenyang Jinbei Aluminum van na may plakang TOZ-416 at minamaneho ni Rafols.

Sa lakas ng impact ay tumilapon ang mag-ama ng ilang metro at tumama ang ulo ng mga ito sa semento.