‘Bikoy’ sablay sa narco-video exposé – Bong Go

Dapat sa mental hospital muna nagpunta ang lalaking lumantad nitong Lunes at nagpakilalang siya si alyas ‘Bikoy’ sa kontrobersiyal na narco-vi­deo, bago nagtungo sa Integrated Bar of the Phi­lippines (IBP) para magpasaklolo at magladlad ng kanyang pagkatao.

Ito ang reaksyon ni dating Special Assistant to the President at senatorial candidate Bong Go matapos magpakilala sa publiko si Peter Joemel Advincula na siya si alyas ‘Bikoy’.

Idinawit ni Advincula si Go sa kanyang exposé sa serye ng mga narcovideo kung saan inakusahan ito na tumatanggap din umano ng pera sa mga drug syndicate at idinideposito ang pera sa account ng kanyang mga kamag-anak.

Sinabi ni Advincula na may dragon tattoo si Go sa likod at siya ang nag-i-scan sa mga code na nakaukit dito.

“Sinagot ko na ‘yan noon. Sabi ko, meron sa a­king likod na PSNBB: pimples, stretchmark, nu­nal, balat, bilbil. Alam n’yo po, nagkamali si ‘Bikoy’ sa kanyang pinuntahan. Hindi s’ya dapat pumunta sa IBP. Huwag kayong mag-alala. Proteksyunan naman kayo ng gobyerno. Pero dapat muna s’ya, sa tingin ko, dapat magpa-admit muna s’ya sa mental hospital. Dapat mauna muna siyang magpunta doon,” pahayag ni Go sa kanyang press conference sa Calamba City, Laguna nitong Lunes.

“May sinabi s’ya noon na kapag ipinakita ko ang aking likod, ay titigil na s’ya. Hinubad ko na at ipinakita ang aking likod. Wala kayong nakitang tattoo. Palagay ko, gusto naman n’yang makita ang aking bilbil… kung gusto n’yong makita uli, puwede kong namang ipakita muli. Gusto n’yo?” sabi pa ni Go.

Naniniwala si Go na bahagi lamang ito ng black propaganda laban sa kanya dahil panahon ng eleksyon ngayon at nadadamay pa ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)