Biktima ng paputok 10 na

Nasa 10 katao na ang bilang ng mga taong nabiktima ng paputok sa pagsalubong sa Pasko at Bagong Taon batay sa isinagawang monitoring ng Department of Health (DOH).

Nabatid na nakapagtala ang DOH ng tatlong karagdagang biktima ng mga nasugatan dahil sa paputok noong bisperas ng Pasko.

Ayon sa DOH, ang nabanggit na bilang ay mas mababa ng 55% o 12 kaso sa naitala mula alas-6:00 nang umaga ng Disyembre 21 hanggang alas-6:00 nang umaga ng Disyembre 25, kumpara sa 22 kaso noong nakaraang taon.

Nalaman na ang mga biktima ay edad na apat hanggang 60 taong gulang mula sa magkakaibang lugar katulad ng Calabarzon at National Capital Region.

Sa nabanggit na bilang, pito ang lalaki at tatlo ang babae.

Anim ang nagtamo ng blast burn injury habang apat ang nasugatan sa kanilang mata.

Pinakamarami sa nabiktima ay gumamit ng ‘boga’ na nakasugat ng tatlo katao habang tig-isa naman ang nabiktima ng baby rocket, fountain, kalburo, kwitis, luces, mini bomb, at isang ‘di batid na uri ng paputok.

Wala pang naitala ang DOH na biktima ng ligaw na bala ng baril. (Juliet deloza-Cudia)