Ni Juliet de Loza-Cudia
Umabot na sa 40 ang bilang ng mga biktima ng paputok sa bansa, ayon sa huling Fireworks-Related Injuries (FWRI) report na inilabas ng Department of Health (DOH).
Walong kaso ang naidagdag mula Disyembre 27 hanggang Disyembre 28 sa 32 unang naitalang kaso ng ahensiya.
Karamihan sa mga ito ay mula sa Region 4-A na may dalawang kaso, habang tig-iisang kaso naman ang naitala sa Region 2, 3, 7, 8, Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) at National Capital Region (NCR).
Sa kabila na nasabing bilang, ipinagmalaki ng DOH na mas mababa ito ng 38 kaso o 49% kumpara sa dating 78 kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong 2017.
Nalaman na ang 36 sa mga kaso ay pawang lalaki; 38 dito ang nasugatan sa paputok, habang dalawa ang nakalunok ng paputok.
Nasugatan ang mga biktima dahil sa paggamit ng boga (11), kwitis (5), triangle (3), piccolo (3), baby rocket (2), lusis (2), gayundin sa camara, pili cracker, 5-star, flash bomb at iba pa.
Habang ang 23 sa mga biktima ay nagtamo ng sugat o lapnos, apat ang kinailangang putulan ng daliri, at 13 naman ang nasugatan sa mata.