Biktima ng paputok tumaas pa

Nakapagtala pa ng karagdagang 17 kaso ng nasugatan dahil sa paputok ang Department of Health (DOH) mula alas-6:00 nang umaga ng Enero 3 hanggang kinabukasan.

Sa pinakahuling Fireworks-Related Injuries (FWRI) ng DOH, nabatid na umakyat na sa 357 ang kabuuang bilang ng mga naputukan, simula noon pang Disyembre 21.

Ito umano ay mas mataas ng 7% kumpa­ra sa 334 lamang na naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Sa kabila nito , mas mababa pa rin ng 49% kumpara sa five-year average (2014-2018) na 694 kaso sa kahalintulad na panahon.

Nabatid na 356 ang nasugatan sa paputok at isang nakalunok ng paputok.
Sinabi ng DOH, wala pa rin namang naitatalang nasugatan sa ligaw na bala at wala pa ring iniulat na namatay.

Mas marami umano sa mga nasugatan ay mula sa NCR na may 171 kaso; sumunod ang Region 6 na may 39 kaso; Region 1 na may 31 kaso; Calabarzon na may 25 kaso; at Region 3 na may 23 kaso.

Habang sa NCR naman, ang pinakamaraming nasugatan sa Maynila (52 kaso); Quezon City (37 kaso); Caloocan (12); Las Piñas (11); at Mandalu­yong (11). (Juliet de Loza-Cudia)