Biktima ng rape tinatakot: Gang sa Paco winarningan ni Isko

Yorme Isko alagang Belo

Nagbabala si Mayor ‘Isko Moreno’ Domagoso sa isang grupo na umano’y tinatakot ang 14-anyos na dalagitang biktima ng panggagahasa ng isa nilang kasamahan sa Paco, Maynila kamakailan.

Ito’y matapos lumapit sa tanggapan ng Special Mayor Reaction Team (SMaRT) ang mga magulang ng dalagita para isumbong ang ginagawang pana­nakot ng grupo ng suspek na si Leo Melanio alyas ‘Small’, 23-anyos at stay-in veterinary assistant sa isang pet salon sa Paco, para iurong ng biktima ang demanda.

“Iyong mga kasama ng nang-rape na ito, magbabarkada kayo, kilala na namin kayo. May mabalitaan lang ako na tinatakot ninyo ang biktima, alam namin ang address ninyo pati Facebook ninyo pati ang tawag sa gang ninyo. Pa-rap-rap na kayo. May picture din kami ninyo,” ayon kay Moreno.

“Wala kayong kinalaman sa kasong ito, hindi kayo kasali pero ‘pag kayo nakibahagi at tinakot ninyo ang biktima, pananagutin namin kayo. Manahimik kayo,” dagdag pa ni Moreno.

Sinampahan ang suspek ng kasong rape na kaugnay sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)