Para mapigilan ang pagdami ng bilang ng matatabang kabataan sa bansa, naghain si Senador Ramon Bong Revilla Jr. ng panukala para sa mga karagdagang physical activity at traditional game sa K to 12 curriculum.
Sa Senate Bill 1121, nais ng senador na maging mandatory ang pagkakaroon ng anti-obesity education program at ehersisyo kabilang ang paglaro ng mga tradisyunal na laro sa pre-school, elementary at high school curricula sa parehong public at private school.
Ayon kay Revilla, ang kamalayan, pagpapahalaga at reponsibilidad ng isang tao para sa kaniyang sariling kalusugan ay dapat magsimula sa murang edad upang makapagtayo ng malakas na pundasyon ng malusog na pamumuhay at makaiwas sa anumang karamdaman.
Batay sa 8th National Nutrition Survey na isinagawa mula Hunyo 2013 hanggang Abril 2014 ng Food and Nutrition Research Institute (FMRI), limang porsiyento ng mga bata na may edad 0-5 at 8.3 porsiyento ng mga batang may edad 10-19 ay overweight o sobra sa timbang.
Samantala, 31.1 porsiyento ng mga mas may edad ay nagdurusa naman sa clinical obesity.
Samantala, ang paglaki ng mga obese sa mga school-age at adolescent group ay tumaas ng 0.33 porsiyento at 0.34 porsiyento ayon sa pagkakasunod sa loob ng 10 taon.
Kapag naging batas ito, aatasan ang Department of Education (DepED) na magsagawa ng mga specially designed instruction upang maipatupad ang mga anti-obesity measure bilang bahagi ng pag-aaral at tutukan ang mga physical health requirement ng mga mag-aaral depende sa edad.
“Dahil sa pagtaas ng overweight at obesity rate sa bansa, marami sa ating mga kababayan ay parang naglalakad na ‘time bomb’ dahil anumang oras, maaari nilang ikapahamak ang anumang komplikasyon sa kalusugan na dulot ng sobrang timbang,” ani Revilla.
“Hindi na natin dapat pang hintayin ang araw na iyon. Dapat ngayon pa lang, we should promote an active lifestyle among our youth para mapangalagaan sila,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)